Huling Paalam
Sa maikling panahon na pinagsamahan natin, natutunan akong mahalin ka ng lubos. Hindi ko masasabi na ako ang pinaka mahusay sa mga naging boyfriend mo. Hindi ko din masasabi na ako ang pinaka perpekto para sa’yo. Pero sa maikling panahon na yon, alam ko pinakita ko sa’yo kung sino talaga ako. Kung ano ang kaya kong gawin para sa pagmamahal ko para sa’yo.
Hindi ko inaasahan na mamahalin kita. Nagsimula ang lahat sa biruan at nagging seryosohan. Masaya ako na nakakausap ka sa araw araw. Akala ko dati mata ko ang laging naghahanap sa’yo, yun pala puso ko na. Habang lumilipas ang mga araw, lingo at buwan, lalo kong napapatunayan sa sarili ko na ikaw nga ang hinahanap ko. Ilang beses na ko nabigo sa pag-ibig. Ilang beses umiyak. Ilang beses nasaktan. Ayoko na sana sumuong pa muli sa gulo pero nang makilala ka, hindi ko na naisip ang lahat ng ‘yon.
Mahirap at masarap. Yan ang masasabi ko pag tinanong ako kung paano magmahal. Pero sa sitwasyon natin, lalo itong pinahirap ng pagkakalayo natin. Pero kasama yon sa tinanggap ko. Na sadyang susubukan tayo. Sa ilang pagkakataon na nagkakasama tayo, di ko maipaliwanag na saya ang nararamdaman ko. Ibinigay ko lahat ng pagmamahal ko dahil alam ko na nararapat lang naman. Sa tuwing nakikita ko na Masaya ka at nakangiti, alam ko ginagawa ko ang tama.
Pero tama sila. Hindi lahat ay panghabambuhay kahit gustuhin pa natin. Hindi mo man sabihin alam ko may nagbago. Alam ko may mali. Unti unti kang lumalayo at nanlalamig. Hindi na ikaw ang dati kong nakilala at minahal. Pero ayos lang. Tanggap ko kahit ano at sino ka pa dahil mahal kita. Pero pagkaraan ng isang mahalagang araw sa buhay ko, bigla mo akong iniwanan. Bigla kang bumitaw. Bigla mong binura lahat ng pangarap na ginuhit natin. Nawala ka na. Hindi mo na ko mahal. May mahal ka nang iba. Saglit akong natahimik at natulala. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin. Biglang isa isang nagbalik ang mga nangyari. Umulit. Nangyari na ‘to. Gusto kong magalit pero di ko magawa. Mahal kita. Sinabi mo na walang iba. Hindi mo na lang talaga ako mahal. Naniwala pa rin ako kahit naguguluhan at hindi malinaw sa akin ang lahat. Nakalipas ang ilang araw, lingo at buwan. Napaniwala ko ang lahat na ayos ako at walang problema pero kagaya ng isang bahay na unti unting sinisira ng anay, hindi mo mapapansin ito hangga’t hindi mo titignan ang loob ng mga haligi, unti unting nasisira ang loob ko. Nawawalan ako ng patutunguhan at determinasyon.
Aaminin ko na hindi ako nawawalan ng pag asa na bumalik ang pagmamahal mo sa dati. Pero sa punto na ‘to ng buhay ko, siguro nga wala nang dapat asahan. Wala na. Kagaya nga ng sabi mo, may mas karapat dapat na dadating para sa akin. Siguro nga. O siguro wala naman na talagang tunay na pagmamahal sa kagaya natin. Mahirap nang maniwala. Mahirap ng magpabulag. Sumusuko na ko. Hindi ko na pilit pang aabutin ang kamay mo dahil wala ka din naman balak hawakan ang kamay ko. Hindi na ko dapat mabuhay sa nakaraan natin dahil ako na lang ang naiwanan duon mag isa samantalang ikaw ay nagpapakasaya. Marapat lamang siguro na maging Masaya din ako. Nang hindi sa piling mo. Nang hindi ka kasama. Nang wala ka. Dahil mahirap kailanganin ang taong hindi ka naman kailangan.
Ito na ang aking huling paalam. Kakayanin ko.
Note: ang lahat ito ay pawang kathang-isip lamang
Comments